Inorganisa ng mga mag-aaral sa FIL 507 Wika, Kultura at Lipunan, isa sa mga sabjek ng MAEd Filipino Program, ang PANUKIDUKI 2023 na may temang “Bagwis ng Kaalaman sa Wika at Kultura tungo sa Mapayapang Lipunan” noong ika-10 ng Setyembre, 2023, na pinamunuan ng kanilang visiting lektyurer, Prof. John Mark C. Lloren.
Layunin ng Kolokyum na maitampok ang iba’t ibang pananaliksik na may kaugnayan sa pagsusuri ng ugnayan ng wika, kultura at lipunan sa konteksto ng mga pagbabagong global at lokal partikular ang Mindanao.
Alinsunod din ito sa misyon ng J.H. Cerilles State College na magsagawa ng mga pananaliksik, pagpapalawig, at mga produksyon na nagbubunga at gumagawa ng matibay na mga solusyon sa mga hamon ng partikular na sektor at pagpapabuti ng sosyo-ekonomikong kalagayan ng mga naturang komunidad.
Kasama sa Kolokyum ang inimbitahan na Susing Tagapagsalita na si Prof. Loi Vincent C. Deriada, fakulti ng Departamento ng Filipino at Ibang mga Wika (DFIW) ng MSU-Iligan Institute of Technology, Iligan City. Nagsilbi rin siyang Panelist sa mga pananaliksik na naipresenta at nagbigay-puna at rekomendasyon para sa pagpapabuti ng mga naitampok na papel.
Dinaluhan din ito ng Dekana ng School of Graduate Studies, Dr. Patricia D. Bahian, na nagbigay ng makabuluhang mensahe hinggil sa kahalagahan ng pagsasagawa ng Kolokyum at iba pang kaugnay na gawain. Binati niya ang mga estudyante at si Prof. Lloren sa pag-organisa ng naturang Kolukyum. Aniya, malaking kontribusyon ito hindi lamang sa JHCSC System, higit lalo sa pagpapaunlad ng wika at panitikan ng mga katutubong pangkat sa Zamboanga Peninsula.
Sa kabuuan, labinlimang (15) presentors ang nagbahagi ng kanilang papel pananaliksik at humigit kumulang na pitumpu’t lima (75) ang dumalong partisipante via Google meet Platform.