Hinirang ng Kagawaran ng Wikang Filipino (KWF) si Dr. Julieta C. Cebrero, Dekana ng School of Arts and Sciences ng J.H. Cerilles State College sa probinsya ng Zamboanga del Sur bilang isa sa pitong mga Ulirang Guro sa Filipino ngayong 2019 sa pagkilala sa kanilang natatanging husay sa pagtuturo at paggamit ng wikang pambansa.
Ayon sa KWF, si Dr. Cebrero ay nagpamalas ng husay at talino hindi lamang sa silid -aralan kundi maging sa pambansa at pandaigdigang komperensiya bilang tagapagsalita at tagapanayam para sa mga paksang pangwika at pangkultura.
Masigasig niyang pinag-aralan ang mga katangian at barayti ng wikang Subanen ng Peninsulang Zamboanga dahil sa kanyang layuning makapag-ambag sa pagsulong ng pambansang linguafrangka.
Napalitaw rin niya sa kanyang saliksik ang sariling kasaysayan ng mga katutubong Subanen na makikita sa guman o epikong bayan nito na itinuturing na katangi-tangi sa pangkat ng mga Subanen.
Tunay na maipagmamalaki ang kangyang mga ambag na pag-aaral sa wika at panitikan ng mga katutubong Subanen ng Zamboanga del Sur.
Para sa taong 2019, ginawaran ang dalawang guro sa sekundarya at limang guro sa kolehiyo. Masinsinan silang pinili mula sa 139 nominasyon.
Ginawaran sa sekundaryang antas sina Sharon Ansay Villaverde ng Lopez National Comprehensive High School at Joshua E. Oyon-Oyon ng Sorsogon National High School.
Kasama ni Dr. Cebrero, ginawaran naman ang mga guro sa kolehiyo na sina Niña Christina L. Zamora ng Philippine Normal University, Maria Eliza Lopez ng Mariano Marcos State University (Laoag), Rodel B. Guzman ng Isabela State University at Rodello Pepito ng Bukidnon State University.
Bukod sa natatanging medalya, inaasahan din ng KWF na patuloy na pasisiglahin ng mga Ulirang Guro ang pagtuturo ng wikang Filipino, pati na ang pagpapalaganap ng katutubong wika at kultura sa kani-kanilang bayan.
Pinarangalan ang mga Ulirang Guro noong 1 Oktubre sa National Museum of Fine Arts sa Maynila.
Ang gawad, na nasa ikaanim na taóng na, ay isinasabay ng KWF sa pagdiriwang ng Buwan ng mga Guro mula 5 Setyembre hanggang 5 Oktubre.
Bahagi ito ng patuloy na panghihikayat ng KWF na maipalaganap at mapaunlad ang wikang Filipino sa pamamagitan ng mga insentibo, grant, at gawad.
Ayon sa KWF, ang Ulirang Guro sa Filipino ang taunang gawad na ibinibigay nito sa mga pili at karapat-dapat na guro na ginagamit ang Filipino bilang midyum ng pagtuturo.
Alinsunod sa layunin ng KWF na manghikayat at magpalaganap ng wikang Filipino sa pamamagitan ng mga insentibo, mga grant, at mga gawad, hinahangad ng tanggapan na makilala at maipagparangalan ang mga natatanging guro sa Filipino na nagpamalas ng angking husay, talino, at dedikasyon sa pagpapalaganap at promosyon ng Wikang Filipino at/o mga wika at kultura sa kanilang komunidad.
Guro ang pundasyon ng sibilisasyon, ayon pa rin sa KWF, at sa ganitong pananaw isinilang ang Gawad Ulirang Guro sa Filipino na kumikilala sa mga natatanging guro na pawang nakapag-ambag sa pagpapalaganap ng matalino at malikhaing gamit ng wikang Filipino sa iba’t ibang disiplina, saanmang rehiyon sila nagmula, at nakapagpamalas ng pagpapahalaga sa kultura, kaakuhan, at kayamanang pamana ng bansa.
Kinikilala rin nito ang mga pambihirang gawain ng guro, sa mga anyong gaya ng akademikong ugnayan, saliksik, at pagpapalaganap ng wika upang mahikayat ang bagong henerasyon ng kabataan na kasangkapanin ang Filipino at iba pang wikang katutubo sa mataas na antas at tungo sa ganap na kapakinabangan ng mga mamamayang Filipino.